Lingon Sandali

Nais na sanang pumikit
Ng mga nagmamakaawang matang ito
Ngunit humihindi pa rin
Ang pusong sabik sa presensya mo

Mainit na ang gabing
Mahigpitang niyakap ng tag-init
Ngunit mas mainit pa rin
Ang yakap na natatanggap mula sa bisig mo

Kahit kathang isip lamang ito

Susubukan pa ring
Languyin ang karagatang
Sinisid mo na
Upang habulin siya

Sisisid para sa iyo
Ang diwang ito
Nananabik na ika’y maalagaan
At maingatan

Sisisid para maipaalam sa iyo
Na ika’y di na kailangang
Sumakabilang planeta
Upang makatagpo ng pag-ibig

Lumingon ka lamang sa likod
Nandirito lang ako

Hindi ako makapapantay sa kanya
Ngunit susubok pa rin
Na mahigitan ang pag-ibig
Na kayang maiparamdam

Lumingon ka lamang dito
Pagbigyan ang ibig sa pag-ibig
Pagbigyan nawa ako
Na ika’y maibigan ko

Lumingon ka lamang dito
At sana’y may saysay na
Ang mga matang pagod na ngunit gising
Ang pusong mapilit dahil sabik