Hindi ito isang tula, ngunit susubukan ng mga taingang lawakan ang hangganan ng nais pakinggan upang abutin ang mga nawawalang metapora. Isa kang metapora. Isa kang hiwagang matagal nang kinupkop ng mga diwata’t engkanto, na sa takot nilang mabalewala ang gandang dulot ng iyong kaluluwa, nariyan ka’t tinatago pa nila.
Hindi ito isang tula, ngunit susubukan ng mga kamay na tahi-tahiin ang mga nalalabing salita sa diksyonaryo – nabago mo na ang aking bokabularyo. Susubok ang mga daliring bumuo ng mga talinghagang makapagpapaliwanag sa tunay mong pagkatao. Ikaw ang mismong talinghaga. Natutunaw ang bituka sa dalang hiwaga ng iyong mga mata, ng iyong mga ngiti, ng iyong mga pighati.
Oo, hindi ito isang tula. Pero nariyan ka, nakita na kita. Naintindihan ko na kung sino ka. Ikaw ang rurok ng sining – lahat sila’y nanaising maging ikaw. Wari ba’y may nais tulain ang langit sa sandaling napagdesisyunang gawin kang manliligtas sa lupa. Hindi ka na mortal. Hindi hahayaan ng mga talang makalimutan ka ng makasalanang mundong ito.
Hindi ko na kailangan ng tula, dahil nariyan ka na. Ikaw ang metapora, ang talinghaga. Ikaw ang misterio; ikaw ang poetika. Sa hiwaga mong iyan, maaari pa ba kitang hawakan, mapakiramdaman? Maaari pa ba kitang maiuwi mula sa mga engkanto’t diwata?
Ikaw na ang aking tula. At sa wakas, hindi na kailangang magtago ng mga salitang, “Mahal, hayaan mo sanang kupkopin kita.”