Hindi ito isang tula.

Hindi ito isang tula, ngunit susubukan ng mga taingang lawakan ang hangganan ng nais pakinggan upang abutin ang mga nawawalang metapora. Isa kang metapora. Isa kang hiwagang matagal nang kinupkop ng mga diwata’t engkanto, na sa takot nilang mabalewala ang gandang dulot ng iyong kaluluwa, nariyan ka’t tinatago pa nila.

Hindi ito isang tula, ngunit susubukan ng mga kamay na tahi-tahiin ang mga nalalabing salita sa diksyonaryo – nabago mo na ang aking bokabularyo. Susubok ang mga daliring bumuo ng mga talinghagang makapagpapaliwanag sa tunay mong pagkatao. Ikaw ang mismong talinghaga. Natutunaw ang bituka sa dalang hiwaga ng iyong mga mata, ng iyong mga ngiti, ng iyong mga pighati.

Oo, hindi ito isang tula. Pero nariyan ka, nakita na kita. Naintindihan ko na kung sino ka. Ikaw ang rurok ng sining –  lahat sila’y nanaising maging ikaw. Wari ba’y may nais tulain ang langit sa sandaling napagdesisyunang gawin kang manliligtas sa lupa. Hindi ka na mortal. Hindi hahayaan ng mga talang makalimutan ka ng makasalanang mundong ito.

Hindi ko na kailangan ng tula, dahil nariyan ka na. Ikaw ang metapora, ang talinghaga. Ikaw ang misterio; ikaw ang poetika. Sa hiwaga mong iyan, maaari pa ba kitang hawakan, mapakiramdaman? Maaari pa ba kitang maiuwi mula sa mga engkanto’t diwata?

Ikaw na ang aking tula. At sa wakas, hindi na kailangang magtago ng mga salitang, “Mahal, hayaan mo sanang kupkopin kita.”

(Pig)Hati sa Katawan at Dugo

Napakaswerte ninyong hindi kinailangang
Mamatay ang sarili upang maisalba ang iba
Napakaswerte ninyong kaisa ng lipunan
Ang hangarin para sa sariling katawan

Sabihin niyo nga sa akin
Kung papaanong naliligtas ang personal
Na dangal sa sandaling naisin ding
Iligtas ang kinabukasan ng iba

Sabihin niyo sa akin, harap-harapan
Kailangan ba talagang bitawan ang sariling
Katawan sakaling naising mag-alay sa iba,
Iaaalay ba talaga ang buong gunita?

Sabihin niyo sa akin dahil ikinamatay ko
Ang sandaling tinuring ko kayong
Nanggaling sa sarili kong sinapupunan
Kahati ang dugong minsa’y inakalang akin

Naputol ang aking braso sa sandaling
Inialay ko ang aking kamay sa pagbangon
Hinugot niyo ang bawat hibla ng ugat
Na minsa’y naging sisidlan ng aking ligaya

Nasaan na kayo ngayon
Bakit hindi ko kayo madama sa libing na ito
Hinahanap ko pa rin ang naputol kong mga braso
Susubukan sanang tahiin ang mga ugat na napigtas

Sa sandaling tawagin ko kayo kahit
Hindi na sa mundong ito ako namamalagi
Sana’y magpakita kayo, kahit minsan lang nang
Masilayang muli ang pira-piraso ng aking katawan

At sa wakas, masabi ko namang
Salamat at sa inyo ko sila ipinagkatiwala
Salamat, buo na rin ang aking paniniwalang
May pinuntahan ang pighati sa katawan at dugo

Repetitive Faults

All I could hear is my ragged breathing
Pressed upon your unwanting skin
Why do I feel like coming back though
You make it clear how bad you want me out

“Never let me go,” I plead as my skin
Starts to bleed in between of this heavy mess
What we left untouched were long displayed
Before on the palms of our hearts

When will I feel you again?
When will I start recognizing those fingers
That once grasped my body, screaming
“Never let me go?”

Where do you happen to pass by
When you left me hanging the moment
I promised you myself?
Why did you leave when you told me to stay?

“Never let me go,” I plead again as rain started
Pouring from these cloudy eyes
I repeat in the hopes that you will reconsider
The way I did when the world was asking me to leave

Stay, will you?

And never let me go

desig

tumigil ang mundo
nang magsimulang
dumungaw sa akin
ang responsibilidad
na buhatin kayo

walang dudang
minahal ko kayo
kahit higit pa
sa kakayahan kong
ibigin ang aking sarili

at binigay ko nga
ang buong pagkatao ko
sa pag-asang makatagpo
ng bukang-liwayway
sa gitna ng hapong papagabi

tumigil na ang ulan
naibaba na ang watawat
naubos na ang ating mga
boses at lakas ng braso
ibinaba na ang sandata

pero hindi pa rin tapos mag-alab
ang pusong nangakong
mag-aalay ng buong oras
sa pagpunas ng pawis, luha’t sugat
na nakaukit sa mga matang pagod

sumikat na ang buwan
nagkumpulan ang mga tala
sa himpapawid
na bumalot sa atin
kaninang umaga

natapos na ang lahat
at magsisimula muli
tayo kinabukasan
sabayan nawa ako ng hangin
sa muling pagtigil ng mundo

at tanungin ang langit
kung naging sapat ba
ang katawang inialay ko
sa pag-ako ng sakit
at ngalay ng kalamnan

nagbunga kaya
ang pusong itinanim
sa parang ng ating
mga pawis?

#

Gabi ng Kalayaan

Sa sandaling bumitaw ako
sa yakap ng mga lubid
na minsang pumilipit
sa mga buto ng aking dibdib,
inakala kong ako’y malaya na
malaya mula sa panlulupig
ng aking pag-ibig
na para lamang sa iyo

Sana’y hindi ako nagsisinungaling
noong binulong ko sa mga talang
minsan na nating inako,
noong sinabi ko
na binibitawan ko na
ang alaala mo

Ang alaala mong inakala kong bula
na kusa nang maglalaho
paglipas ng daang taon

Ngunit narito pa rin ako
nasa bingit pa rin ng aking
naghahalong damdamin;
hindi ko na alam kung
nasaan na nga ba ang isip ko
o ang puso ko
o ang sarili ko

Hindi ko alam kung
nasaan na nga ba
ang pag-ibig ko

o kung nabubuhay pa ba
ang pag-ibig kong
dati ko nang ipinagkatiwala
sa mga tala

ang pag-ibig kong
dati’y inakalang
ipinagkatiwala na
sa ating mga tala

Narito ka pa ba?
nariyan ka lang pala
matagal nang nakatitig
sa puso kong
naghihikahos pa rin
pilit hinahabol ang mga
nawalang sandali

pilit inaabot ang mga tala
upang maibalik
ang nawawalang pag-ibig

Narito ka pa pala
narito pa rin pala ako
narito pa rin pala
ang mga alaala mong
aking inakalang
tinago na ng mga tala

Nariyan ka lang pala
at natatanaw kita
mula sa puwang na ito

Mananatili lang ako rito
mananalangin,
bubulungan
ang bawat talang malalaglag

Sana’y magbalik ka
sa panahong kusa ka nang
ipagkakatiwala
ng ating mga tala.

Pareho tayo.

Hinahanap ko
ang aking puso
at ang iyo
na pareho nang
sinukuan
ng panahon.

Binabalik-balikan ko
ang mga tagpong
unti-unting sumira
sa kung paano
tayo
binuo.

Magkapareho
naman pala
tayo.

Parehong

nalingat at
sinaksak

naniwala at
nawala

ngumiti at
nagkubli

sumayaw at
naligaw

nagsimula at
tinapos.

Pareho tayong
napabuntong-hininga,
inakalang
maaliwalas ang mga
pagtatapos ng mga
pag-ibig
na pinangako.

Parehong tayong
mga bundok
na unti-unting
pinaguho
ng isanlibo’t
isang paghuhukay.

Pareho tayong
naglista ng daan-daang
pagkakapareho.

Pareho tayo.

Pero tayo
siguro
ang magkaparehong
kailanma’y
hindi magiging
kapareha
ang isa’t isa.

Pagsusukat ng mga Letra

Nakasisilaw ang ilaw
na nakadungaw
mula sa bintana
sa tabi ng pisara

Sandamakmak na numero’t letra
ang ginuhit sa harap
ng mga bunganga
ng mga nakanganga

Nakahihilo na ang tinig
na paulit-ulit na pumapantig
sa kani-kanilang mga taingang
sana ‘y magsara na lamang

Hindi lubos maisip
ng ngumangatngat na manunulat
kung siya ba’y iidlip
o kikindat na lamang

“Para saan ba
ang pagsusukat ng mga letra?”

On “Mangyari Lamang”

Habang nagsscroll ako sa Facebook ngayong gabi, lumitaw na lang sa akin ang isang post ng isa kong guro tungkol sa kinabibilangan nitong grupo ng mga manunulat. Sabi doon sa isang comment sa post na ito, “Read more replies,” raw. Kaya’t nag-read more ako.

Pinag-uusapan ng mga nagpapalitan ng mga comment doon sa post na iyon ang isang tula na pinamagatang Mangyari Lamang na isinulat ni Rico Blanco.

Hinanap ko ito sa internet at tumambad sa akin ang pinakamagandang tula (so far) tungkol sa pag-ibig na nabasa ko.


Mangyari Lamang ni Rico Abelardo

Mangyari lamang ay tumayo ang mga nagmahal
nang makita ng lahat ang mukha ng pag- ibig.
Ipamalas ang tamis ng malalim na pagkakaunawaan
sa mga malabo ang paningin.

Mangyari lamang ay tumayo rin ang mga nagmahal at nasawi
nang makita ng lahat ang mga sugat ng isang bayani.
Ipadama ang pait ng kabiguan habang ipinagbubunyi
ang walang katulad na kagitingan ng isang nagtaya.

Mangyari lamang ay tumayo ang mga nangangambang magmahal
nang makita ng lahat ang kilos ng isang bata.
Ipamalas ang katapatan ng damdamin na pilit ikinukubli
ng pusong lumaki sa mga engkanto at diwata.

Mangyari lamang ay tumayo ang mga nagmahal,
minahal at iniwan ngunit handa pa ring magmahal
nang makita ng lahat ang yaman ng karanasan.
Ipamalas ang katotohanang nasaksihan
nang maging makahulugan ang mga paghagulgol sa dilim.

At sa mga nananatiling nakaupo mangyari lamang
ay dahan-dahang tumalilis papalabas sa nakangangang pinto.
Umuwi na kayo at sumbatan ang mga magulang
na nagpalaki ng isang halimaw!

At sa lahat ng naiwang nakatayo mangyari lamang
ay hagkan ang isa’t isa at yakapin ang mga sugatan.
Mabuhay tayong lahat na nagsisikap na makabalik sa ating pinagmulan!
Manatiling masaya at higit sa lahat magpatuloy sa pagmamahal.