Walang makaaalam na minahal kita.
Mahingal-hingal ko pang inakyat ang ikalimang palapag ng gusaling ito. Sa mag-iisang taon kong tumatambay sa apartment ng kaibigan ko rito, hindi ko pa rin maikakailang mahirap umakyat sa rooftop na ito.
Alas-siyete pa lang pero tila maghahatinggabi na. Nakaaaliw titigan ang mga maliliit na ilaw sa ‘di kalayuan. Nagmamadaling gumagapang ang tren na sardinas ang laman. Malamang, nagsisi-uwian na sila ngayon.
Pero habang nagsisiunahan ang mga tao sa ibaba, gano’n lang akong kahinahon, nilalasap ang bawat ihip ng hanging inuunti-unti ang aking kiliti. Maliban sa mga ebidensya ng pagmamadali sa ‘di kalayuan, ang dahan-dahang palakpak ng mga dahon lamang ang aking naririnig.
Mula sa aking pagkadungaw paibaba, lumingon ako sa aking gawing kaliwa. Naroon pa rin naman ang rooftop ng iyong gusali, napakalapit lang mula sa akin. Minsan ko na ring naisipang talunin na lang ang gusali mo mula rito. Napakatahimik, walang kalaman-laman.
Mula sa aking pagkakatayo, minsan na rin akong umasang lalabas ka sa iyong pinagkukublian at dudungaw rin mula sa iyong rooftop. Sa aking kabaliwan, minsan ko na ring sinubukang abutin ang iyong gusali, nagbabaka-sakali sa hindi ko alam. Minsan ko na ring tinanong na, paano kaya kung kasama kita sa mga gabing mag-isa akong umiistambay dito? Ano kaya ang mapag-uusapan natin kung gabi, malamig, at ikaw lang ang aking paligid? Hanggang ngayon, nagtatanong pa rin ako.
Lumagatak na naman ang treng nagmamadaling ihatid ang mga sardinas sa kani-kanilang lata. Naalala ko na ang layon ko rito sa itaas: ang makalimot. Hindi na ako nag-atubili pang magbitbit ng bote-boteng alak para pagpiyestahan dito. Sapat na siguro ang pagkaseryoso ng gabi upang makalimot.
Inalala ko na ang lahat ng dapat kong alalahanin, mula sa una mong pagbanggit ng aking pangalan hanggang sa huling pagsayaw ng ating mga balat. Binalikan ko ang mga inasukal mong salitang nagsabing may karapatan na akong magsulat. Napangiti na lamang ako nang alalahanin ko ang mga pag-uusap natin. Sumaglit din sa isip ko ang mga tulang inialay ko sa iyo. Walang nakapigil sa aking silakbo, labag man sa kalooban ko ang magsulat ng mga basurang pumapag-ibig,
Binalikan ko ang mga masasayang kuwit, na humantong din sa mga malulungkot na tuldok. Naalala ko ang mga panahong pinaalis mo ako, talikuran mo ako – iyong mga pagkakataong ginagapang pa kita. Naalala ko ang mga araw na naging maayos ka lang dahil kinailangan mo ako. Naalala ko ang iyong mga ngiting pangbibig lamang, hindi pangmata. Naalala ko ang mga masasayang pahayag na nauwi lamang sa kalagitnaang hindi tinuldukan.
Napakaraming rason para manatili sa iyo, pero mas maraming dahilan upang kamuhian ka.
Ay, naaalala ko, wala nga pala akong napagsabihan tungkol dito. Walang nakaalamn dahil sa takot kong maipit at madurog muli. At ngayon, napagtanto kong mas naipit ako noong ikinubli ko ang lahat mula sa mundo. Hanggang ngayon, wala pa ring nakaaalam na namamatay na ako nang dahil sa ‘yo.
Umaasa pa rin akong mas madaling magbitaw kung walang ibang kumakapit. Madali lang dapat ang bumitaw para sa akin. Ako lang naman kasi ang kumapit.
Itinaas ko ang aking noo at tinitigan muli ang iyong gusali. Hanggang ngayon, wala ka pa rin.
Sinilip ko muli ang nagmamadaling tren, saka unti-unting kumawala sa aking pinanghahawakan. Tinungo ko ang hagdan nang hindi lumilingon pabalik.
Walang makaaalam na minahal kita.