Huling pangumusta ko sa mga halaman sa balkonahe namin, naninilaw na sila.
Huling pangumusta ko sa mga halaman sa balkonahe namin, namamatay na sila.
Huling pangumusta ko sa mga halaman sa balkonahe namin, walang nag-iimikan sa loob ng bahay.
Huling pangumusta ko sa mga halaman sa balkonahe namin, hindi na ako nagkaklase.
Huling pangumusta ko sa mga halaman sa balkonahe namin, hindi na ako marunong magsulat.
Huling pangumusta ko sa mga halaman sa balkonahe namin, unti-unti na akong namatay.
Unti-unti nang namatay kagaya ng mga halaman sa balkonahe namin.
Hindi na nadidiligan.
Hindi na naaarawan.
Nakaligtaan.
Kinalimutan.
Naglalagasan na.
Pero buti naman, matapos ang ilang linggo, ngayon, maingay na ulit ang loob ng bahay.
Ngayon, nabubuklat ko na ang aking mga kwaderno.
Ngayon, bumabalik na ako sa pagsusulat.
Ngayon, unti-unti na ulit akong bumabangon.
Kanina lang, lumabas ako ng balkonahe sa planong diligan muli matapos ang ilang linggo ang mga halamang nakalimutan. Nagulat ako dahil biglang tambad sa akin ng mga berdeng mga dahon na tuwid na tuwid ang tayo. Hindi sila ganito noong huli kong pakikipagkita sa kanila.
Ngunit may isang pinakapumukaw ng pansin ko sa dami ng aming mga halaman. Nakita ko ang isang halamang natatandaan kong nagsidilawan na ang mga dahon, at kalaunan ay nakalbo na rin. Nakakatuwa dahil buong sigla muli itong kumaway sa akin, tila ba hindi nauhaw ng ilang linggo.
Unti-unti na rin silang nabubuhay.
Gaya ko.