Natawa na lang ako nang binalikan ko ang aking ‘Karot Monologues #1’. Bukod sa pagiging jologs ng post na ‘to, natatawa ako dahil posible pala ang inakala kong imposible noon.
Iba ka rin eh. Sinakyan mo lang ako sa mga kalokohan ko. Jologs ako, jologs ka rin. Eechosin kita sa lablayp mo, makiki-echos ka rin. Aba. Hindi na nakapagtatakang nangyayari na ang dating hindi inakalang mangyayari pa.
Napaka-unpredictable mo pa man din. Parang kahapon lang nung sinita mo ang dahil sa complement ko sa ‘yo, tapos ngayon, sasabihan mo ako ng sikreto mo? Nagsabi ka pa nang, “Baka naman kalimutan mo ako kapag lumipat ka na ah…” at “Uy, aabangan kita after two years ah…” Medyo nakakaloka ka.
Nakakatawa dahil nakalimutan ko na nga ang mga sinulat ko na mga pangarap na para sa ating dalawa. Madami nang dumating at madaming taong lumipas na rin ang aking napag-alayan ng ilang mga tula. Pero natutunan ko na kahit gaano pa karami ang dumating, kahit gaano pa katagal ang pumagitan, babalik at babalik pa rin ako sa aking pinagmulan.
Sabi nga ng SUD, “Walang sagot sa tanong kung bakit ka mahalaga.” Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ganito ako sa ‘yo ngayon. Hindi ko naman dapat inaabala ang sarili sa pag-iisip sa ‘yo sa bawat minutong lilipas. Hindi ko nga alam kung bakit pa kita iniisip. Hindi ko nga rin alam kung bakit ka na lang biglang naging importante. Tila ba bumukas nang kaunti puso ko at nag-iwan ito ng isang puwang para sa’yo. Hindi ko alam.
Pero sabi rin ng UDD, “Ba’t ‘di pa sabihin ang ‘di mo maamin?” Sa totoo lang, mayroon kaunti ritong nagtatago na gusto nang lumabas at magpakita, magparinig. Pero hindi ko alam kung ano ‘yon eh. Hindi ko alam kung totoo na ba ‘to ngayon, o sadyang nahuhumaling at nabibigla ako sa biglaang paglapit ng dalawang pinaghiwalay na mundo.
Hay, hindi ko alam. Basta tandaan mo, kahit saan pa man ako humakbang, babalik at babalik pa rin ako sa aking pinagmulan.
Babalik at babalik pa rin pala ako sa ‘yo.