Isang Liham Para Kay Teleponong Selyular

Patawad kung masyado na yata kitang nagamit
Mga ilang buwan pa lamang simula noong ika’y aking makamit
Ngunit heto ako, nagtatanong, “Saan ba ako nagkamali?
Masyado ba akong nagmadali?”

Kay bilis naman
Kinaya mo agad akong iwan, sukuan
Nagsisimula pa lamang akong kapkapin ang iyong pagka-sino
Ngunit sa isang hawak ko palang, ika’y nabiyak na at nadurog

Sayang, hindi man lang natin sabay na nasilayan
Ang mga gabing dapat ay kasama kita’t nahahagkan
Ang mga panahong kailangan ko ng maiiyakan
Sa tuwing kailangan ko ng mararamdaman

Mahirap isipin na ako ang may kagagawan
Ako yata ang may kasalanan
Nitong ating hindi inaasahang hiwalayan
Ngunit, sandali lang, ako nga ba ang may kamalian?

Simula pa lang, dapat nakita ko na
Dapat napansin ko nang sira ka na pala noon pa
Dapat nakilatis ko man lang ang buo mong pagkatao
Para hindi man lang ako nangungulila rito

Oo, ako na nga ang masyadong nagpakabulag
Sa iyong itsurang tila isang napakagandang dilag
Wala akong kamalay-malay
Na balang araw, kusa ka rin palang aalis mula sa aking mga kamay

Alam kong hindi ito dapat
Ngunit isa ang aking ipagtatapat
Kahit hindi ko alam kung ito’y sapat na
Pero patawad, dahil minahal kita agad.

 

cp
photo (c) flippish.com

Leave a comment